-- Advertisements --
kalibo
Kalibo

KALIBO, Aklan— Umapela ng pag-unawa sa publiko ang Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) kasunod sa ankle-deep na lalim ng baha sa ilang bahagi ng pamosong isla dulot ng tropical depression Falcon.

Sa isang pulong balitaan na ginanap sa isang hotel sa isla, sinabi ni Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) general manager Director Natividad Bernardino na hindi maiiwasan ang mga pagbaha dulot ng maghapong pag-ulan dahil hindi pa natapos ang construction ng drainage system.

Partikular na binaha ang D’Mall D’Boracay main road, Ambassador at Bloomfield Academy area sa Barangay Balabag dahilan na nagdulot ng abala sa mga motorista, residente at turista.

Aniya, aminado naman sila na mataas ang ekspektasyon ng karamihan na matatapos kaagad ang ginagawang rehabilitasyon ng pamahalaan ngunit may ilang ikinokonsidera sa trabaho pagdating sa construction na pinangungunahan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nabatid na bilang mitigating measures ng ahensya upang mabilis ang paghupa ng tubig-baha, nagtulungan ang mga water concessionaires sa isla upang masipsip ang tubig sa D’Mall at Ambassador area palabas sa main road upang madaanan na ito ng mga motorista.

Una rito, pinabulaanan ng Inter-Agency na lubog sa baha ang naturang isla kasunod sa mga naglabasan na larawan sa social media kung saan, makikita na umabot hanggang baywang ang tubig-baha.

Iginiit ni Bernardino na nagbibigay lamang ito ng maling impormasyon sa tao at paraan upang batikusin ang nagpapatuloy na rehabilitation effort ng pamahalaan sa popular tourist destination sa buong mundo.