Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na buo ang kanilang suporta at kooperasyon sa anumang imbestigasyon na may kaugnayan sa halos P7 bilyong halaga ng shabu na nakapuslit.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, wala silang nakikitang masama kapag may mga isasagawang imbestigasyon.

Aminado rin ito na mayroon pang pangangailangan para pagbutihin ang kanilang intelligence build-up at intel-gathering partikular sa mga itinuturing na big time shipment.

Ito’y kasunod ng pagkakapuslit ng umano’y isang toneladang shabu na nadiskubre ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakasilid sa tinatawag na magnetic lifter at inimbak umano sa isang bodega o warehouse sa GMA, Cavite.

Ayon sa PNP chief, hindi pa niya makumpirma kung gaano karami ang napaulat na ipinuslit na kontrabando at kung shabu nga ang laman.

Kailangan pa aniyang isailalim sa validation ang naging pahayag ni PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino.

Una nang sinabi ni Aquino na magkaparehas ang naipuslit na kontrabando sa unang nasabay na nasa 500 kilos shabu sa Manila International Container Port.

Wala ring nakuhang intel report ang PDEG kaugnay sa nakapuslit na shabu kaya posibleng hindi namonitor ang pagpuslit ng mga metal lifters sa Cavite.

Siniguro naman ni Albayalde na kanilang hahanapin kung talagang nakalusot ang nasabing mga kontrabando.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here