Tuloy na sa Hunyo 24 ang installation kay Cardinal Jose Advincula bilang ika-33 Arsobispo ng Manila matapos na makailang ulit na itong maudlot bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na sasalubungin si Advincula sa araw mismo nang installation nito ng limang alkalde na sakop ng Archdiocese of Manila, na kinabibilangan ng Manila, San Juan, Mandaluyong, Makati, at Pasay City.
Ayon kay Fr. Reginald Malicdem, chancellor of the Manila Archdiocese, lilimitahan sa 400 lamang ang guest na papayagan sa installation ceremony dahil na rin sa health at security reasons.
Iyong mga makakatanggap lamang ng imbitasyon ang papayagan na makapunta mismo sa Manila Cathedral sa susunod na linggo, habang iyong hindi naman kasama sa mga inimbitahan ay maari pa rin naman aniyang pumuwesto sa labas dahil maglalagay din naman sila ng mga LCDs para mapanood ang mga kaganapan sa loob.
Dagdag pa nito, magiging simple lamang ang kanilang selebrasyon dahil na rin sa sitwasyon na kinakaharap na rin sa ngayon ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa umaga, isasara ang bung Intramuros habang nagpapatuloy ang installation ceremony.
Tanging ang mga entrance at exit sa gate malapit sa Pamantasang Lungsod ng Maynila ang bubuksan.
Ayon kay Fr. Malicdem, magsisimula ang installation ceremony sa Postigo Gate ng Intramuros, na matatagpuan sa likod ng Comelec building.
Ang gate kasi aniyang ito ay siya ring eksklusibong ginagamit ng mga Arsobispo ng Maynila at Gobernador Heneral noong panahon ng mga kastila.










