
Kinumpirma na ng Commission on Elections (Comelec) ang insidente ng vote-buying sa Barangay San Jose sa Navotas city.
Ito ay kasunod ng ikinasang Operation Kontra Bigay ng Local Comelec at Navotas police sa isang bodega ng sardinas nitong Miyerkules sa naturang barangay matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa kalakaran ng vote buying sa lugar.
Dito, inaresto ang isang babaing mula sa Malabon city matapos na mahuli sa akto na namimigay ng envelopes na naglalaman ng P300 hanggang P500 sa 200 katao na mga residente ng Barangay Longos sa Malabon city.
Ayon naman sa mga residente, inimbitahan umano sila ng suspek para sumailalim sa pagsasanay ang mga ito para maging poll watchers at binigyan ng pera nang dumating ang mga ito sa naturang warehouse.
Sinabi din ng mg aito na lahat sila ay election watchers sa Barangay Longos.
Kabilang sa mga narekober sa lugar na pinangyarihan ng vote buying ang mahigit 1000 envelopes na naglalaman ng kabuuang P363,900 na cash at isang box na mayroong mga papel na may nakalagay na pangalan ng mga rehistradong botante, kanilang contact numbers, precinct numbers at kopiya ng kanilang mga IDs.
Ito ang unang pagkakataon na may inaresto mula ng magsimula ang panahon ng pangangampaniya para sa barangay at SK elections.
Kaugnay nito, nangako si Comelec chairman George Garcia na kanilang hahabulin ang sinumang masasangkot sa pagbili ng boto at ang mapapatunayang guilty ay mahaharap sa diskwalipikasyon at kakasuhan ng election offense.
Una ng iniulat ng Committee on Kontra Bigay na nasa 5 disqualification cases na ang kanilang naihain may kinalaman sa vote-buying at inaasahang madaragdagan pa ito.










