KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang isang inmate ng South Cotabato Rehabilitation and Detention Center habang sugatan naman ang isa pa matapos saksakin ng kasamang preso sa loob ng kanilang selda.
Ito ang kinumpirma ni OIC Provincial Jail Warden Felicito Gumapac sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ni Gumapac ang nasawing inmate na si Mark Anthony Tuñacao at ang sugatan na si Rolando Hunas.
Ang dalawang biktima ay sinaksak ng suspek na kapwa din preso ng mga ito na si Mario Kaong.
Napag-alaman na pansamantalang inilagay lamang ang mga biktima sa selda ng suspek upang malinis ang selda ng mga ito na bagong repair lamang.
Ayon kay Gumapac, kapapahinga pa lamang nang dalawa sa kanilang nilipatang selda ng bigla na lamang umanong nagkagulo o nangyari ang riot at doon na sinaksak ng suspek ang mga biktima gamit ang improvised na patalim na gawa sa kawayan.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pamunuan ng provincial jail sa naturang insidente.