Hinimok ng mga senador na isabay na ng tollway operators ang pagsasa-ayos ng sistema para sa radio-frequency identification (RFID) stickers, kasunod ng extension na ibinigay para sa mga motorista hanggang Disyembre 1, 2020.
Ayon kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., dapat plantsahin ng tollway operators ang mga nakitang aberya, bago ipagpilitan ang cashless na sistema ng toll payment.
Magugunitang inalmahan ng mga motorista ang pinairal na ito ng Metro Pacific Tolways Corp. (MPTC) at San Miguel Corporation (SMC) na tila hindi raw pinaghandaan ang pag-shift sa kanilang RFID systems.
Ang MPTC ang nagpapatakbo sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Manila-Cavite Expressway (CAVITEX), C5 Link, at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).Ang SMC ang namamahala sa South Luzon Expressway (SLEX), Skyway, NAIA Expressway (NAIAX), Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX), Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) at Star Tollways.
Kinatigan din ng iba pang senador ang pananaw ni Revilla, lalo’t nagdulot ng mahabang pila ang inisyal na implimentasyon ng naturang hakbang.