Dahil na rin umano sa mga nagdaang bagyo ay sa buwan na ng Disyembre imbes ngayong buwan ilalabas ang inisyal na report sa drug war operations na naging dahilan ng pagkamatay ng libo-libo na nating mga kababayan.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang mga nagdaang kalamidad daw ang naging dahilan ng pagkaantala ng review panel ng Department of Justice (DoJ) sa ilalabas nilang report.
Sa kasalukuyan ay patuloy umano ang isinasagawang drafting ng review panel sa initial report.
Nakatakda na sana itong ilabas ngayong buwan pero dahil sa mga nagdaang bagyo sa nakalipas na dalawang buwan na kinabibilangang ng tatlong bagyong tumama sa Metro Manila na naging dahilan ng mga paghabaha ang siya rin umanong dahilan ng pagkaantala ng kanilang mga trabaho.
Una nang sinabi ni Guevarra sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) noong Hunyo 30 na ilalabas nila ang resulta sa katapusan ng buwan na ito.
Ini-report din nito sa UNHRC na mahigit 5,000 o may kabuuang 5,655 anti-illegal drugs operations ng PNP na nagresulta sa pagkamatay ng mga drug suspects ang kanilang iniimbestigahan.
Kapag natapos umano ang muling pag-evaluate sa mga kaso ay agad sasampahan ang mga law enforcement officers na lumabag sa batas.
Sa ngayon, patuloy umano ang pakikipag-ugnayan ng panel sa pamilya ng mga napatay sa anti drug war ng pamahalaan at binibigyan ng legal options at assistance kapag nakasuhan na ang mga sangkot na law enforcers.
Humingi rin si Guevarra ng paumahin sa pagkaantala ng report dahil marami pang isyung iniimbestigahan ang DoJ kabilang na ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga korap na ahensiya ng pamahalaan.