-- Advertisements --
Martires Duque

Maglalabas ng inisyal na imbestigasyon ang Office of the Ombudsman sa kanilang isinasagawang imbestigasyon sa anomalya sa Department of Health (DoH) sa kasagsagan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ayon kay Ombudsman Samuel Martires sa ngayon ay hawak na raw nila ang ilan sa mga ebidensiya laban sa mga katiwalian sa DoH kaya posibleng sa mga susunod na linggo ay makakapaglabas na sila ng inisyal na imbestigasyon.

“While we already have some data on some of the important matters as a result of our investigation, we hope in two to three weeks’ time, we will have an initial report on the DOH,” ani Martires.

Kabilang sa mga iniimbestigahan ng Ombudsman na anomalya ang ang pagbili ng 100,000 COVID-19 test kits, naantalang pagbili ng personal protective equipment (PPE) at iba pang kagamitan para maprotektahan ang mga healthcare workers, ang iregularidad na naging dahilan ng pagkamatay ng mga health workers.

Kabilang pa rito ang tumataas na kaso at namamatay dahil sa covid na mga frontliners, ang kawalan ng aksiyon sa pagpapalabas at pagproseso sa mga benepisyo at financial assistance ng mga namatay na medical frontliners.

Kabilang pa rito ang patuloy na delayed na reporting ng covid related deaths at confirmed cases.

Sa kabila nito, hindi pa raw sigurado si Martires kung kailangan ang eksaktong petsa kung kailan nila ilalabas ang naturang report lalo na’t humingi ang mga respondent ng extension para mapasagot sa kanilang mga subpoena.

“They ask for extension on time to comply with the subpoenas,” dagdag ng opisyal.