Ikinatuwa ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na Executive Order 34, na nagdedeklara sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH) bilang flagship program.
Maalalang Hulyo-17 nang inilabas ni Pang. Marcos ang nasabing order, na nangangahulugang ang nasabing programa ay isa sa mga pangunahing tututukan ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Secretary Jose Rizalino Acuzar, tiyak na magiging malaking tulong ang nasabing order sa Housing Department upang mas marami pa ang mga maipatayong pabahay para sa mga mahihirap na sektor.
Paliwanag ng kalihim na sa ilalim ng nasabing EO ay inaatasan ang mga ahensiya ng pamahalaan, kasama na ang mga lokal na pamahalaan na gumawa ng inventory ng mga lupaing hindi nagagamit at angkop na gamitin sa programa.
Malaking hamon kasi aniya ang kasalukuyang kakulangan ng mga lupang maaaring pagtayuan ng mga pabahay para sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.
Sa pamamagitan ng EO, tiyak na rin ang pakikipagtulungan ng bawat LGU sa nasabing ahensiya, para sa iba pang aspeto ng pabahay.
Samantala, mananatili pa rin ang DHSUD bilang pangunahing ahensiyang tututok sa Pambansang Pabahay Program ng pamahalaan, sa ilalim ng pinirmahang EO ni Pang. Marcos.