Posibleng nag-peak na ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa noong Nobiyembre kasabay ng inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na panibagong pagsipa ng buwanang pagtaya na papalo sa 7.4% hanggang 8.2%.
Sa opisyal na numero na nakatakdang ianunsiyo pa lamang ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Disyembre 6, ang inflation ay tinatayang sumipa pa mula sa 7.7% na naitala noong Oktubre.
Sinabi ng BSP na ang inflation noong Nobiyembre ay bunsod ng mas mataas na singil ng kuryente at presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) at agricultural commodities dahil na rin sa epekto ng nagdaang bagyong Paeng na nanalasa sa bansa.
Ang mga factors na ito ay hindi agad na mao-offset o mapapahupa ng tuluyan ang inflation noong Nobiyembre sa pamamagitan ng pagbaba lamang ng presyo ng iba pang petroleum products, ng presyo ng baboy at paglakas ng halaga ng Philippine Peso kontra dolyar.
Kung kayat ayon sa central bank, posibleng naabot na ang peak ng inflation noong nakalipas na buwan at tinatayang unti-unitng bababa sa mga susunod na buwan kasabay ng inaasahang paghupa ng epekto sa inflation ng mga bagyo at pagtataas ng pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.
Kung matatandaan, una ng sinabi ng BSP na inaasahang mag-peak ang buwanang inflation noong Nobiyembre o ngayong Disyembre.