Naniniwala si Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua na lalo pang tataas ang inflation o bilis ng paggalaw ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa mga susunod na lingo o buwan.
Ito ay sa kabila ng kasalukuyang tigil-putukan sa Gitnang Silangan.
Unang inanunsiyo ng Philippine Statistics Authority at ng Banko Sentral ng Pilipinas na sumipa na sa 4.1% ang inflation sa bansa nitong Marso, matapos ang limang lingong digmaan sa Middle East na kalaunan ay nagdulot ng oil crisis.
Sa isang panayam, natanong si Cua kung posible bang magkakaroon ng serye ng pagtaas ng presyo ng basic commodities at kung makakaapekto ito sa bilis ng inflation sa buong bansa.
Sagot ng supermarket association president, tiyak na magreresulta ang oil crisis sa mas mataas na presyo ng bilihin dahil apektado na rin ang produksyon at operasyon ng mga manufacturer at producer.
Posibleng magreresulta din ito aniya sa mas mataas na inflation, lalo na kung hindi ito matutugunan ng pamahalaan.
Binalikan ni Cua ang naunang pahayag ng Department of Energy na kahit pa suspindihin ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang excise tax sa langis ay matatagalan pa rin bago ito maramdaman ng mga konsyumer.
Dahil dito, pinaalalahanan ni Cua ang mga consumer na higpitan pa ang paggasta at iwasan ang hindi importanteng gastusin at biyahe.















