-- Advertisements --

Nagsumite si Senador Loren Legarda ng panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang tinatawag na “Pink tax,” o ang pagsingil ng mas mataas na presyo sa mga produktong ibinebenta para sa kababaihan nang walang sapat na batayan.

Ayon kay Legarda, dapat nakabatay ang pagkakaiba ng presyo sa aktuwal na dagdag na benepisyo o serbisyong iniaalok, at hindi lamang dahil sa kulay o pag-lalabel sa produkto bilang pambabae o panlalaki.

Babala ng Senadora, maaaring nagiging estratehiya ng ilang negosyo ang pagsasamantala sa hindi pagkakapantay-pantay ng kasarian upang kumita, na nagdudulot ng dagdag na gastos sa kababaihan sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan.

Layunin ng panukala na maprotektahan ang mga mamimili laban sa hindi makatarungang dagdag-presyo sa mga produktong walang lehitimong dahilan para maging mas mahal dahil lamang sa target nitong kasarian.