Inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na patuloy ang pagbagal ng inflation o bilis ng pagtaas ng mga bilihin at serbisyo para ngayong buwan kasabay ng pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo at pagkain sa bansa.
Ayon sa BSP ang projected inflation ay inaasahang nasa 7.4% hanggang 8.2%.
Mas mababa ang projection na ito ng central bank kumpara sa naitalang 8.6% na inflation noong buwan ng Pebrero.
Paliwanag ng BSP na ang rollback kamakailan sa presyo ng mga produktong petrolyo, mababang presyo ng mga prutas at mga gulay gayundin ang pagbaba ng presyo ng manok at asukal ay inaasahang magkakatulong para maibsan ang price pressures ngayong buwan.
Subalit ayon din sa central bank na posibleng magbunsod ang upward price pressures mula sa matas na singil sa kuryente sa siniserbisyuhang lugar ng Meralco at pagtaas ng iba pang key food items gaya ng karne ng baboy, isda, itlog at bigas.
Sa kabila nito, nakahanda naman ang BSP para agarang tugunan ang patuloy na banta ng inflation sa pamamagitan ng kanilang data-dependent approach hanggang sa monetary policy formulation.