-- Advertisements --

Isang Indonesian paratrooper, na kinilalang si Salman Krisnes, ang nakaligtas sa isang aksidente matapos bumagsak sa 1,600 feet nang magka-tangle ang kanyang parachute sa training exercise na ginanap sa Sulaiman Air Base, east Jakarta, noong Nobyembre 8.

Ayon sa Indonesian Air Force, bagamat bumagsak nang mataas, si Salman ay nagtamo lamang ng bali sa balakang at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Ayon sa tagapagsalita ng Quick Reaction Forces Command (Kopasgat) ng militar, nagkaroon ng problema ang parachute dahil sa pagkakakabit ng ilang lubid habang tumatalon ang paratrooper mula sa mababang altitude ng Hercules C-130 aircraft.

Nabatid na ang Kopasgat ay kilala bilang “orange berets”, isang elite special forces unit ng Indonesian Air Force na responsable sa anti-terrorism operations, airfields defense, intelligence operations, at parachuting missions.

Sa kasalukuyan, stable na ang kondisyon ni Salman at patuloy na sumasailalim sa karagdagang gamutan.