-- Advertisements --
indonesia

Pinasinayaan ng Indonesia ang isang floating solar farm, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $100 milyon, at pinakamalaki sa Southeast Asia, dahil sa layunin nitong lumipat sa green, renewable energy.

Ang Cirata floating solar farm, na inaasahang lilikha ng sapat na kuryente para sa 50,000 kabahayan, ay itinayo sa 200-ektaryang (500-acre) reservoir sa West Java, nasa 130 kilometro (80 milya) ang layo mula sa kabisera, Jakarta.

Ang nasabing proyekto, sa pakikipagtulungan ng national electricity company Perusahaan Listrik Negara (PLN) at ng Abu Dhabi-based renewable energy company Masdar, ay tumagal ng tatlong taon bago makumpleto.

Ang naturang solar farm ay matatagpuan sa isang lugar na napapalibutan ng mga palayan at binubuo ng 340,000 panel.

Sa 192 megawatt peak (MWp), ang sakahan ay kasalukuyang lumilikha ng sapat na kuryente para makapag-supply ng kuryente para sa lugar ng Cirata.

Ayon sa Presidente ng Indonesia na si President Joko Widodo, ang proyekto ay palalawakin sa 500 megawatt peak, habang sinabi naman ng ng Perusahaan Listrik Negara na sa kalaunan ay maaari itong makabuo ng hanggang 1,000 megawatt peak.

Inihayag ng gobyerno ng Indonesia na susubukan nitong maabot ang net-zero emissions sa 2060.

Sinusubukan din nitong maabot ang net-zero power sector emissions sa 2050 bilang kapalit ng financing para sa $20 bilyon nitong Just Energy Transition Partnership (JETP) plan.