Umabot sa isang buwan ang pag-iikot ng ilang indigenous people (IP) leaders sa Europa na nanghikayat umano sa mga bansa at organisasyon doon na itigil ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga grupong may ugnayan sa Communist Party of the Philippines (CPP).
Mula Setyembre 10 hanggang Oktubre 3, 2019, binisita ng IPs ang Italy, Switzerland, Belgium, Germany at France.
Sinabi ni Communications Usec. Lorraine Badoy, wala ni isang kusing na ginastos ang gobyerno para sa IPs.
Pero inamin din niyang may expenses ang pamahalaan para sa ilang taga-gobyernong sumama sa trip, kabilang na siya.
Hindi naman nagbigay ng halaga ng gastos si Badoy sa isang buwang pag-iikot sa Europe.
Kamakailan lang din, ilang IP leaders din ang ipinasyal nina Usec. Badoy sa Estados Unidos.
Inihayag ni Usec. Badoy na positibo ang pagtanggap ng mga gobyernong nakausap sa Europe sa kanilang isinumiteng listahan ng mga grupong may kaugnayan sa CPP.