IMG 20200401 181852

Humaharap na sa patong-patong na kaso ang isang Indian national dahil sa pagbebenta ng mga overpriced na thermal scanners.

Ang suspek ay kinilala ng PNP na si Mukesh Chandwani, 31-anyos na naaresto sa isang tindahan ng mga medical supply sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa entrapment operation ng Manila Olice District (MPD)-Criminal Investigation and Detection Group huli sa akto ang suspek na nagbebenta ng thermal scanner na nagkakahalaga ng P5,000.

Pero ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) ang suggested retail price ng thermal scanners ay P3,400 lamang.

Bukod dito, may umiiral din ngayong price freeze sa mga medical supplies dahil sa banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa nasabing operasyon, apat na kahon na naglalaman ng mahigit P100 piraso ng thermal scanner ang nakumpiska ng pulisya na nagkakahalaga ng halos P600,000.

Mahaharap naman ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 7581 o ang Price Act at Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines, Article 14 ng Revised Penal COde at Memorandum Circular ng DTI patungkol sa Anti Hoarding at Anti Panic Buying.