Nakapagtala ng kasaysayan ang astronaut na si Shubhanshu Shukla matapos na siya ang unang Indian national na nakarating sa International Space Station.
Lulan ng Axiom-4 (Ax-4) mission ang apat na crew na pinamumunuan ni dating National Aeronautics and Space Administration (NASA) veteran Peggy Whitson, Slawosz Uznanski-Wisniewski mula Poland at Tibor Kapu mula Hungary.
Si Shukla ang pangalawang Indian na nakapunta na sa kalawakan na ang una ay si cosmonaut Rakesh Sharma na lulan ng Russian Soyuz noong 1984.
Ang Ax-4 na commercial flight ay inooperate ng Houston-based private company na Axiom Space ay nag-take off nitong Miyerkules sa Kennedy Space Center sa Florida.
Mananatili sila sa ISS sa loob ng dalawang linggo kung saan sa kabuuan ay aabot na sa 11 sila doon.
Habang sila ay nasa ISS ay magsasagawa sila ng 60 scientific experiments kabilang ang pitong ginawa ng Indian Space Research Organisation.
Ang mission ay sa pagtutulungan ng NASA, Isro ang Indian space agency, European Space Agency (ESA) at SpaceX.