Matagumpay ang isinagawang test ng India sa kanilang Agni-5, isang intermediate-range ballistic missile na kayang magdala ng nuclear warhead at tumama sa alinmang bahagi ng China.
Nabatid na isinagawa ang test-firing sa state ng Odisha sa silangang bahagi ng India, at ayon sa mga opisyal, naabot ng missile ang lahat ng operational at technical parameters nito.
Bahagi ito ng pagpapalakas ng depensa ng India sa gitna ng tumitinding tensyon sa China at Pakistan.
Matatandaang lalong lumala ang alitan ng India at China matapos ang madugong sagupaan sa border ng dalawa noong 2020.
Samantala, muntik namang magdulot ng digmaan ang pag-atake sa Kashmir nitong Mayo na ikinasawi ng 26 katao, kung saan sinisi ng India ang Pakistan, na itinanggi naman ng Pakistan.
Kasabay nito, humaharap din ang India sa pressure mula sa Estados Unidos hinggil sa patuloy nitong pagbili ng langis mula sa Russia.
Una nang nagbanta ang US na itataas nito sa 50% ang taripa sa mga inaangkat na produkto mula India kung hindi ito titigil sa pagbili ng langis sa Moscow.
Inaasahang dadalo si Prime Minister Narendra Modi sa summit ng Shanghai Cooperation Organisation sa China ngayong buwan —ang una niyang pagbisita sa bansa mula noong 2018.