Nagtala ang India ng apat na bagong kaso ng mga nasawi kaugnay ng pagtaas ng Covid-19 nitong Lunes, ayon ‘yan sa pinakahuling ulat ng Ministry of Health.
Ayon pa sa kanila, sa loob lamang ng 24-oras, 203 ang nadagdag na mga nagpositibo sa virus kung kaya’t umabot na sa 3,961 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng Covid-19.
Sa pagtataya ng Indian Council of Medical Research (ICMR), karamihan sa mga kaso ay dulot ng Omicron sub-variants at nananatiling “mild” lamang ang sintomas. Pinawi naman ang takot ng publiko na wala pa umanong dapat ipag-alala sa ngayon.
Gayunman, tiniyak ni Health Minister Prataprao Jadhav na handa ang pamahalaan sakaling lumala ang sitwasyon.
Batay sa datos ng Worldometer, mahigit 45 milyong kaso ng Covid-19 ang naitala ng India mula nang magsimula ang pandemya noong 2020 kung saan 533,570 dito ang kumpirmadong nasawi.