Wala nang ibang maaring itawag sa gobyerno kundi “palpak” sa harap nang panibagong surge ng COVID-19 sa bansa, ayon kay House Deputy Minority leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate.
Ang pagiging incompetent at inefficient aniya ng pamahalaan ang siyan dahilan kung bakit lalo pang lumala ang sitwasyon ng Pilipinas makalipas ang mahigit isang taon nang magsimula ang COVID-19 pandemic.
Kung nakinig lamang kasi aniya ang Duterte administration sa mga panawagan dati pa na magpatupad na ng libreng mas testing, pro-active contact tracing, isolation at mabilis na vaccination ay wala raw sana ang Pilipinas sa sitwasyon na mayroon ito sa kasalukuyan.
Kasabay nito ay iginiit ni Zarate na wala nang iba pang panahon kundi ngayon ang pagpapatupad ng medical at health solutions, bago pa man umabot na sa sukdulan ang sitwasyon ng bansa.
Tama na aniya ang pagiging palpak sa pamamahala, at kailangan nang ayusin ito ng gobyerno sa lalong madaling panahon.
Kahapon, naglabas ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ng panibaong resolusyon na naghihigpit ulit sa mga umiiral na restrictions.
Bawal nang lumabas ulit ang mga menor de edad at ang paglabas-pasok din ng mga indibidwal sa loob ng General Community Quarantine Areas kabilang na ang National Capital Region, Cavite, Laguna at Bulacan.