Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang suplay ng langis sa bansa at wala itong planong mag-order ng karagdagang fuel sa kasalukuyan, sa kabila ng ipinatupad na panibagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo simula ngayong araw ng Martes, Mayo 5.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, hindi na muna kailangan ang panibagong order ng fuel dahil may sapat na suplay at limitado rin ang storage facilities ng bansa. Aniya, nasa 150 milyong litro na ng diesel ang naiproseso at ginagamit bilang buffer.
Batay sa datos ng DOE, may sapat na suplay ang bansa para sa 53.71 araw. Kabilang dito ang gasolina (52.64 araw), diesel (54.58 araw), kerosene (166.67 araw), jet fuel (71.14 araw), fuel oil (62.69 araw), at liquefied petroleum gas o LPG (40.46 araw).
Bukod dito, inaasahang tataas din ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ng P1.33 kada kilo ngayong buwan, katumbas ng P13.42 na dagdag sa bawat 11-kilogram cylinder.
Sa usapin ng kuryente, sinabi ni Garin na suportado ng DOE ang panukalang alisin ang value-added tax (VAT) sa kuryente upang mapababa ang gastos ng mga konsyumer, bagama’t nasa Department of Finance ang pinal na desisyon.
Samantala, tiniyak naman ng DOE na sapat ang suplay ng kuryente sa bansa kahit sa nararanasang tag-init, at patuloy na mino-monitor ng DOE ang demand upang maiwasan ang kakulangan sa suplay.















