-- Advertisements --

Gumuho ang Kaliwet Detour Bridge sa Barangay Nalasin, Santo Domingo, Ilocos Sur noong Sabado matapos umanong daanan ng isang sobrang bigat na truck, ayon sa imbestigasyon ng pulisya at pahayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Batay sa paunang ulat, isang 20-toneladang 10-wheeler truck ang dumaan sa tulay na may nakapaskil na 5-ton load limit lamang, dahilan upang bumigay ang istruktura.

Kasabay ng pagbagsak ng tulay, nahulog ang truck at nasugatan ang 51-anyos na driver at pahinante nito. Isa pang motorsiklo rin na kasabay ng truck ang nahulog, na nagresulta sa pagkasugat ng 55-anyos nitong rider.

Ayon sa mga awtoridad, hindi sinunod ng driver ng truck ang nakalagay na limitasyon sa tulay na malinaw na nagsasaad na hanggang 5 tonelada lamang ang pinapayagang dumaan.

Dahil sa insidente, nagkaroon ng aberya sa daloy ng trapiko na nakaapekto sa mga motorista mula sa mga kalapit na barangay na umaasa sa naturang detour bridge.

Agad namang nagtulong-tulong ang DPWH, pulisya, at mga opisyal ng barangay upang maayos ang sitwasyon at maibsan ang epekto sa trapiko.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pananagutan ng driver at iba pang posibleng paglabag kaugnay ng insidente.