Muling nagbalik-tanaw si Thalía sa kanyang koneksyon sa Pilipinas matapos siyang makasama ng BINI sa Billboard Women in Music Awards na ginanap sa Los Angeles Palladium noong Abril 29, 2026.
Tumanggap si Thalía ng Icon Award habang ang BINI naman ay pinarangalan bilang Global Force Award honoree.
Ayon sa Mexican superstar, malalim ang kanyang pagtingin sa mga Pilipino dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya noong kasagsagan ng kanyang kasikatan, kabilang na ang tagumpay ng kanyang mga Tagalized telenovela at ang kanyang sold-out concert sa Araneta Coliseum.
”The Philippines is a country that has walked with me through the years, becoming part of my story and who I am today. And the love you’ve given to Marimar has been truly endless,” post nito sa kanyang IG.
Nang tanungin ng BINI member na si Joanna kung may plano siyang bumisita sa Pilipinas, agad itong sinagot ng singer ng may ngiti: “If you invite me!”
Patuloy na pinapatunayan ng naturang pagkikita ang lumalalim na ugnayan ng international pop culture at ng OPM scene, na lalong pinapalakas ng mga artist collaborations at global recognition ng mga Pilipinong musikero.















