LAOAG CITY – Kinumpirma ni Police Lt. Jimmy Aganon, ang deputy chief of police sa bayan ng Pasuquin ang pagpapakamatay ng isang babae sa pamamagitan ng pagbigti sa Brgy. Susugaen sa nasabing bayan.
Kinilala nito ang biktima na si Isabel Balmores Faylano, 44-anyos, may asawa, mayroong store at residente sa naturang barangay.
Ayon kay Aganon, sa naging salaysay ng asawa ng biktima na si Erwin Faylano, habang nagpapahinga galing sa trabaho ay tinanong niya ang kanilang anak kung nasaan ang kanilang ina ngunit hindi rin umano alam ng bata.
Sinabi nito na hindi nila nakita ang biktima sa loob ng kanilang bahay kaya’t pumunta sila sa kanilang bodega ngunit sarado ito dahilan para kunin ang susi at dito bumungad sa kanila ang inang nagbigti gamit ang tali.
Naniniwala umano ang asawa ng biktima at pamilya nito na posibleng depresyon ang dahilan ng pagpapakamatay ng biktima dahil umano sa maraming utang at sakit na hypertension.
Napag-alaman pa na hindi lamang umano iisang tao ang nakautangan ng biktima at posibleng na-pressure dahil palaging siyang sinisingil ng mga nagpautang.