CEBU CITY – Narekober na ng mga otoridad ang bangkay ng isang ina na inanod sa rumaragasang baha kahapon matapos tinawid ang ilog kasama ang anak at pamangkin nito sa Brgy. Bago Tayasan, Negros Oriental.
Nakilala ang biktima na si Maribel Esteban, 42, habang nailigtas naman ang 19-anyos na anak at 15-anyos na pamangkin nito.
Sa panayam ng Star FM Cebu kay Lieutenant Alfred Vicente Silvosa ng Tayasan Police Station, pilit pa umanong tinawid ni Esteban ang ilog kasama ang dalawang bata sa kabila ng malakas ng agos ng tubig-baha dahil sa mga nararanasang pag-ulan.
Sinabi pa ni Silvosa na nangyari ang insidente dakong alas-6:00 kagabi nang ihahatid sana ng ina ang dalawa sa bahay ng kapatid nito na nakatira malapit lang sa paaralan nang sa di inaasahan ay nangyari ang insidente.
Agad namang natulungan ng mga nakakita ang dalawang bata ngunit hindi na nagawa pang mailigtas ang biktima at tinangay na ng baha.
Umabot naman ng 12 oras ang search and retrieval operation na ginawa ng mga otoridad bago natagpuan ang bangkay kaninang umaga.
Samantala, nagpaabot na umano ng tulong sa pamilya ang local government ng Tayasan maging ang pagpapalibing ng nasawi.