-- Advertisements --

Hustisya ang panawagan ng pamilya ng pinaslang na pro-BBM vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata matapos hilingin ng kanyang ina sa mga awtoridad na agad madakip ang umano’y utak sa pagpatay sa kanyang anak.

Sa isang panayam, sinabi ni Sandra Lipata na nais niyang mapanagot hindi lamang ang mga naaresto na suspek na pumatay sa kanyang anak kundi maging ang umano’y nag-utos sa pagpatay kay Alicia.

Ayon sa kanya, walang kalaban-laban ang biktima nang pagbabarilin ito sa ulo at dibdib.

Kamakailan, naaresto ng mga awtoridad sa Mabalacat, Pampanga ang dalawang suspek.

Ayon sa imbestigasyon, isa sa kanila ang umano’y bumaril kay Lipata, na residente ng Caloocan City, habang ang isa naman, na mula sa Cavite, ang nagsilbing rider ng motorsiklo na ginamit sa krimen.

Narekober din umano mula sa mga suspek ang baril na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa biktima.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, na ikinasugat din ng live-in partner ni Lipata.

Kabilang sa mga tinitingnang motibo ang pagiging vlogger ng biktima at ang kanyang personal na buhay.

Sinisilip din ng mga awtoridad ang naging hindi maayos na paghihiwalay ni Lipata sa dati nitong karelasyon na nauwi umano sa paghahain ng mga kaso sa korte.

Ayon pa sa pulisya, bago ang insidente ay nakatatanggap na umano ng mga banta sa buhay si Alicia.