Posibleng utang na umabot sa P8 million at personal na alitan ang nagtulak sa pagpaslang sa political vlogger na si Alicia Lipata, o mas kilala bilang “Mima Alicia.”
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., lumalabas sa imbestigasyon na may personal na hindi pagkakaunawaan si Lipata at ang mga umano’y mastermind ng krimen na nagsimula sa isang P8 million na utang.
Kinilala na umano ng mga naarestong suspek ang mga sinasabing mastermind.
Gayunpaman, nilinaw ng PNP na kung may iba pang motibo sa pagpatay, tanging ang mga mastermind lamang ang makapagbibigay ng buong paliwanag.
Napatay si Lipata sa pamamaril ng mga lalaking sakay ng motorsiklo sa labas ng kaniyang bahay sa Caloocan City noong Hulyo 17. Sugatan naman ngunit nakaligtas ang kaniyang live-in partner na kasama niya sa insidente.
Naaresto ng pulisya ang gunman at rider sa isinagawang operasyon sa Mabalacat, Pampanga noong Hulyo 23, kung saan nasamsam din ang mga baril at granada.
















