Hustisya ngayon ang sigaw ng ina ng 2025 Palarong Pambansa “Mr. MVP” na si Rene Clert Baterbonia matapos ang pagkamatay ng kaniyang anak sa isang team-building activity ng Ateneo de Manila University sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8, 2026.
Nasawi rin sa insidente ang Nigerian foreign student-athlete na si Divine Adili matapos umano silang malunod habang nasa aktibidad ng koponan.
Sa panayam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Martes, Hunyo 9, sinabi ni Rovelyn Baterbonia na hindi umano nila alam ang kabuuang detalye ng isasagawang training ng kanilang anak.
Ayon sa kanya, wala umanong malinaw na paliwanag sa kanila ang mga kinatawan ng pamantasan tungkol sa uri ng pagsasanay na sasalihan ni Rene.
“Noong nag-orient sila, hindi talaga nila sinabi na magkakaroon ng training na ganoon,” pahayag niya.
Giit ng ina, sana ay naipaalam nang maayos ang magiging aktibidad upang nagkaroon sila ng pagkakataon na mapag-usapan ng kaniyang anak kung kakayanin ba nito ang naturang training.
Ayon pa kay Rovelyn, nakapag-text pa umano si Rene bago ang biyahe upang ipaalam na hindi siya makakagamit ng cellphone sa loob ng isang linggong training camp sa Baler.
“Ma, one week sigurong wala akong cellphone kasi may training kami doon sa Baler,” pagbabahagi niya sa mensahe ng anak.
Inakala umano ng pamilya na ordinaryong basketball training lamang ang sasalihan ni Rene at hindi isang mabigat o mahigpit na aktibidad.
Giit ng ina, nagulat na lamang sila nang makatanggap ng tawag mula sa isang miyembro ng koponan na nagsasabing nalunod ang kaniyang anak.
“Sabi niya, ‘Ma’am, naaksidente po si Rene. Nalunod po,’” ani Rovelyn.
Dahil dito, nananawagan ang pamilya Baterbonia ng hustisya at mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari sa likod ng trahedya.
“Masakit… sobrang support ko mula bata hanggang ngayon tapos ginanon lang nila,” pagdadalamhati ng ina.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police Regional Office 3 (PNP PRO 3), natukoy na naliligo umano ang mga biktima nang tangayin sila ng malakas na alon dahilan para dalhin sila sa masmalalim na bahagi ng tubig.















