LAOAG CITY – Patay ang mag-ina matapos araruhin ng SUV (sport utility vehicle) sa Barangay Caruan, Pasuquin, Ilocos Norte.

Nakilala ang mga biktima na sina Mary Anne Resurrecion, at ang 10 buwang sanggol nitong anak na babae.

Ayon sa driver ng SUV na si Ricky de Leon, taga-Pampanga pero kasalukuyang nakabakasyon sa Lungsod ng Laoag, habang pa-silangang direksyon sila ay bigla na lamang umikot ang kanyang sasakyan.

Dahil dito, napunta ang SUV sa mga panindang asin sa gilid ng kalsada na nagresulta ng pagkabangga nito sa mag-inang biktima na naglalakad lamang umano sa lugar.

Kinumpirma ni de Leon na kasama nito ang asawa at dalawa nilang anak pero nagpapasalamat ito dahil hindi napuruhan ang mga ito.

Samantala, sinabi ng hindi na pinangalanang kapatid ng biktima na maliligo lamang sana ang kapatid at pamangkin nito para i-enrol ang isa pa niyang anak nang mangyari ang insidente.