
Welcome umano sa mga pinakamalaking producers federation sa bansa ang panukala ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na pag-aangkat ng 150,000 metric tons ng purely refined sugar.
Ang naturang hakbang ay para magkaroon ng stable na suplay at presyo sa merkado sa bansa.
Sa pananaw ni United Sugar Producers Federation of the Philippines (UNIFED) president Manuel Lamata na ang volume ng asukal dapat sapat lang para hindi maapektuhan ang mill gate prices.
Pinabulaanan din ni Lamata na namumuno sa alyansa na binubuo ng 30,000 miyembro ng planters, ang joint statement na inisyu noong nakalipas na linggo ng Confederation of Sugar Producers, National Federation of Sugar Planters, Panay Federation of Sugarcane Farmers, at ng Philippine Sugar Millers Association na nagsusulong para sa importasyon ng 300,000 MT.
Ayon kay lamata na kapag ang 300,000 MT ng imported sugar ay dumating sa bansa sa buwan ng Nobiyembre o Disyembre na siyang peak ng kanilang milling season, tiyak aniya na magko-collapse ang mill gate prices.
Una rito, sinabi ni Acting SRA Administrator David John Thaddeus Alba na tinatrabaho na ng SRa ang importation order ng 150,000 MT ng purely refined sugar kasunod ng rekomendasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mastabilize ang market prices alinsunod sa Sugar Order (SO) No. 2.










