Ipinatitigil ng ilang mga abogado na maipagpatuloy pa ang paglilitis o Impeachment Trial kontra sa kasalukuyang ikalawang pangulo ng bansa na si Vice President Sara Duterte.
Ito mismo ang mithiin ng mga naturang abogado at personal pang nagtungo dito sa Korte Suprema upang idulog sa kataas-taasang hukuman ang kanilang hinaing.
Sa pangunguna ng abogadong si Atty. Israelito P. Torreon, kabilang ang ilan pa, kanyang isinumite ang isang supplemental petition para mas mapagtibay ang naunang petisyong inihain.
Kaya’t sa kanilang paghahain ng petisyon ngayong araw, layon at hiling nila na mag-isyu ang kataastaasang hukuman ng Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction hinggil sa impeachment na kasalukuyang nasa proseso na.
Sa petisyong inihain sa supreme court, binigyang diin nito ang tatlong punto sa nakatakdang impeachment trial.
Inisaisa nila rito ang mga paglabag umano sa konstitusyon ng mga sumusunod:
Una’y kawalan ng pormal na hurisdiksyon ng Senado pagkatapos ng 19th Congress na hanggang sa June 30 na lamang.
Sumunod, ang pagiging imposible na makapagsagawa ng buo at patas na paglilitis sa nalalabing mga araw ng sesyon.
At ang pangatlo’y bigong sundin raw sa ikaapat na impeachment complaint ang constitutional at procedural requirements kabilang ang pagberipika sa mga signatories nito.
Dagdag pa rito’y, iginigiit din ng mga abogadong naghain ng petisyon ang patungkol sa doktrina ng legislative discontinuity.
Kung saan hindi raw maipapasa ng 19th congress ang hurisdikyon sa papasok na 20th congress ang impeachment proceedings.
Maaalala sa kanilang naunang petisyon ang pagkuwestyon sa pagiging lehitimo ng ikaapat na impeachment complaint.
Alegasyon nila’y pinirmahan ito ng ilan sa mga miyembro ng kongreso nang hindi lubusang binabasa ang naturang dokumento.
Kaya’t bunsod nito’y, hinimok nila ang kataas-taasang hukuman na ibsan ang anumang posibleng maging epekto ng impeachment sa opisina ni bise presidente at mismo ng kay Vice President Sara Duterte.