-- Advertisements --

Natanggap na ng Senate Impeachment Court, sa pamamagitan ng Office of the Clerk of Court, ang mga dokumentong inihain ngayong Huwebes, Hulyo 30, 2026, bilang pagsunod sa mga subpoena para sa financial records ni Vice President Sara Zimmerman Duterte, ng kanyang asawa na si Atty. Manases R. Carpio, at ng dalawampung (20) entidad na nakasaad sa mga subpoena.

Ayon sa ulat, hanggang tanghali ay nakapagsumite na ng compliance ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ilang pangunahing bangko kabilang ang BDO Unibank, Philippine Savings Bank (PSBank), Metropolitan Bank & Trust Company (Metrobank), at Security Bank Corporation.

Patuloy namang tumatanggap ng documentary submissions ang Office of the Clerk of Court mula sa iba pang institusyon na sakop ng subpoena.

Bilang background, sa nakaraang trial day ay tinalakay ang isyu ng confidential funds ng Department of Education na nagkakahalaga ng P112.5 milyon, na umano’y na-release nang walang pormal na endorsement para sa Special Disbursing Officer.

Ang mga dokumentong isinusumite ngayon ay inaasahang magiging mahalagang bahagi ng ebidensiya sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings laban kay Vice President Duterte.

Layunin ng Senado na masuri ang lahat ng financial records upang matiyak ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng pamahalaan.