-- Advertisements --

Pumalo na sa 13,525 ang mga indibidwal na pumasok sa Pilipinas nitong Abril 1, ang unang araw ng pagbubukas ng border sa lahat ng fully vaccinated na dayuhan.

Sa ulat ni Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Krizia Sandoval sinabi nito na naasahan na ang tuloy-tuloy na pagtaas ng bilang ng inbound travelers dahil sa pagbabalik ng pre-pandemic policy.

Aniya, kailangan na lang magpakita ng biyahero ng “acceptable proof of vaccination” at negatibong resulta ng COVID-19 test na kinuha sa loob ng 48 hours bago ang departure.

Tinatanggap din ang laboratory-based antigen test basta kinuha ito isang araw bago ang departure.

Nauna nang nagpapasok ang Pilipinas ng mga turista mula sa mga visa-free na bansa noong Pebrero, kung saan napansin ng BI ang mabilis na pagtaas ng inbound arrivals.

Mula 8,000 hanggang 9,000 noong Pebrero, pumalo sa 10,000 hanggang 12,000 kada araw ang naitalang arrivals ng BI nitong Marso. Nasa 30 porsyento ang mga dayuhan, karamihan ay galing Amerika, South Korea at Japan.

Inaasahan ang pagtaas pa ng bilang sa Abril.