-- Advertisements --

Nilagdaan na ni US President Donald Trump ang executive order na pansamantalang magsususpinde sa visa ng mga foreign workers na nagnanais magtrabaho sa Estados Unidos.

Tinatayang aabot ng 525,000 na trabaho ang magiging available para sa mamamayan ng Amerika dahil sa naturang hakbang ng Trump administration.

Hindi naman suportado ang desisyong ito ng ilang immigration groups at malalaking kumpanya sa Amerika. Ito’y dahil tila tinatarget umano ng Republican president ang mga immigrants para sa domestic political reason.

Isa rin daw itong malaking hadlang upang muling buhayin ang ekonomiya ng bansa na lubhang naapektuhan dahil sa coronavirus pandemic.

“Immigrant workers are vital to the American workforce,” ani Beth Werlin, executive director ng American Immigration Council. “As our nation recovers from the coronavirus pandemic, immigrants in all industries will be essential to rebuilding our nation.”

-- Advertisement --

Una nang ipinag-utos ni Trump ang temporary suspension ng pagbibigay ng green cards sa mga foreign citizens na gustong manirahan sa bansa.

Tatagal hanggang Dec. 30, 2020 ang mga ipinatupad na utos ni Trump. Magiging applicable ito sa H-1B visas para sa mga high-skilled workers sa tech industry at H-2B visas na ginagamit naman ng mga seasonal workers sa industriya ng construction at hospitality.

Kasali rin dito ang H-4 visas na binibigay sa asawa ng mga H-1B visa holders; L-1 visas para sa mga executives na nagtatrabaho sa malalaking kumpanya maging ang J-1 visas sa mga scholars at propesor.