-- Advertisements --
Senator Angara 1

Umaasa si Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco na maipapasa ang kanilang hiniling na 2024 budget para sa kanilang ahensya.

Sa ginawang Public Hearing ng Committee on Finance na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara, kung saan tinalakay ang panukalang 2024 National Expenditure Program ng Department of Justice (DOJ) at mga attached agencies nito, iniulat na humiling ang BI ng 4.24B budget.

Ito ay gagamitin ng ahensya upang makapag acquire ng mga makabagong teknolohiya para sa pag-upgrade ng ahensya.

Sa naturang pagdinig ay ibinahagi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang halagang ito ay bahagi ng 34.487B budget request ng buong departamento.

Binigyang-diin ng kalihim na umaabot lamang ito sa 0.60% ng kabuuang pambansang badyet.

Sa kabila ng maliit na halaga sinabi ni Tansingco na tiwala pa rin ito na magagawa nila ang kanilang mga naunang ipinangako partikular na sa mga technological upgrades para sa kanilang ahensya.

Paliwanag ni Tansingco, ang bahagi ng budget ay gagamitin sa pagbili ng karagdagang electronic gate para sa kanilang arrival at departure operations.

Sa kasalukuyan, 21 e-gates lamang ang ipinamamahagi sa mga pangunahing international airport sa bansa.

Giit ni Tansingco, mayroong ganap na pangangailangan na palawakin pa ito upang maging mahusay ang kanilang serbisyo ay mabawasan ang siksikan sa mga paliparan .