-- Advertisements --

Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na minanipula ang closed-circuit television (CCTV) footage ng nangyaring pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13.

Sa isang statement ngayong Huwebes, Mayo 21, iginiit ni PNP chief Gen. Melencio Nartatez Jr. na “authentic, may time-stamped at direkta mula sa source ang footage na kanilang iprinisenta kayat wala aniyang puwang dito ang alegasyon ng manipulasyon.

Nanindigan din ang hepe ng pambansang pulisya na pinakamahalaga ang integridad ng proseso ng kanilang imbestigasyon.

Nag-ugat ang naturang alegasyon matapos sabihin ni suspended Senate Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na “spliced video” ang ipinakitang footage ng mga awtoridad.

Ayon kay Gen. Nartatez, ang naturang footage ay bahagi ng opisyal na ebidensiyang nakalap sa gitna ng imbestigasyon.

Samantala, sinabi rin ng PNP chief na mananatiling bukas ang pulisya para sa technical review para mapanatili ang tiwala ng publiko sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa naturang shooting incident.

Tiniyak din niya sa publiko na mananatiling patas, impartial at transparent ang PNP sa pag-iimbestiga.