-- Advertisements --

Sasali ang Filipino-German beauty queen na si Imelda Schweighart sa kauna-unahang All Stars edition ng Miss Grand International (MGI).

Sa isang Facebook post nitong Lunes, kinumpirma ng MGI organization na kabilang si Schweighart sa mga kinatawan ng Pilipinas para sa naturang kompetisyon.

Inilarawan siya ng organisasyon bilang isang “legendary multi-hyphenate” at “true icon” ng kanyang henerasyon.

Ayon sa MGI, nagsimula ang karera ni Schweighart nang manalo siya ng kanyang unang national crown sa edad na 15. Isa rin siyang trained actress mula noong bata pa lamang at naging kilalang leading lady noong 2010.

Sa kasalukuyan, aktibo siya bilang singer-songwriter, music producer, at negosyante.

Binigyang-diin din ng organisasyon ang kanyang “resilience, individuality, at authenticity,” pati na ang kanyang matapang at kakaibang personalidad na anila’y nagdadala ng kakaibang lakas sa entablado.

Lumabas ang anunsyo kasunod ng desisyon ng Miss Universe Philippines (MUPH) na tanggalin ang isang kandidata sa kanilang 2026 competition matapos ang pagsusuri sa ilang isyu.

Hindi man pinangalanan ng organisasyon ang nasabing kandidata, si Schweighart, na kumakatawan sa Kalibo, Aklan ay nagbahagi ng isang makahulugang mensahe sa kanyang Instagram.

“Where do we go from here?” ang caption niya sa isang Reel na na-share noong Marso 29. Sa naunang post, pinasalamatan din niya ang kanyang mga tagasuporta sa patuloy na pagbibigay ng lakas at suporta sa kanya.

Makakasama ni Schweighart sa MGI All Stars ang iba pang Pilipinang kandidata na sina Gazini Ganados, Keylyn Trajano, Alexia Núñez, at Fuschia Anne Ravena.

Ang All Stars edition ng MGI ay bukas para sa mga kababaihan at transgender women na may edad 20 hanggang 40 na dati nang sumali sa international pageants ngunit hindi pa nakakamit ang korona.