-- Advertisements --

Nagbabala si Senadora Imee Marcos na maaaring sumiklab ang panibagong krisis sa agrikultura bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo at bantang kakulangan sa suplay ng abono, isang sitwasyong direktang makakaapekto sa produksyon at presyo ng bigas sa bansa.

Ayon sa senador, kung magpapatuloy ang pagtaas ng gastos sa abono, posibleng bumagsak ang produksyon ng palay at lalong tumaas ang presyo ng bigas sa merkado.

“Tumataas na nga ang presyo, may posibilidad pang kapusin ang suplay. Kapag nangyari ito, babagsak ang produksyon at tataas lalo ang presyo ng bigas,” ani Marcos.

Iginiit din ni Marcos na may mga grupo umanong posibleng manamantala sa gitna ng sitwasyon. Aniya, ginawa na umanong negosyo ang mga oportunistang ginagawang pagkakitaan ang krisis. 

Muli naman itinulak ng senador ang paggamit ng biofertilizer bilang alternatibo upang mapababa ang gastos sa produksyon at makatulong sa layuning makamit ang mas murang bigas may mga distributor aniya sa Kadiwa na nakapagbenta umano ng bigas sa halagang ₱25 kada kilo nang walang subsidiya at sa paraan lamang ang wastong paggamit ng biofertilizer.

Gayunman, sinabi ni Marcos na may mga pumigil umano sa naturang hakbang mula mismo sa loob ng pamahalaan, kabilang umano ang ilang nasa Department of Agriculture (DA) at Kongreso, dahil sa interes ng malalaking importer ng abono.

Kinuwestyon din ng senador ang patuloy na pag-asa ng bansa sa imported na abono sa kabila ng mga lokal na alternatibo.

Samantala, nagbabala din si Marcos ng posibleng pagtaas ng presyo ng bigas. Batay sa datos mula sa sektor, maaaring umabot sa ₱17 hanggang ₱20 kada kilo ang presyo ng palay, na posibleng magtulak sa presyo ng bigas sa ₱55 hanggang ₱60 kada kilo o higit pa. Aniya, kung hindi maaayos ang suplay ng abono at mababawasan ang gastos ng mga magsasaka, malalagay sa panganib ang seguridad sa pagkain ng bansa.