Tahasang sinabi ni Senator Imee Marcos na hindi umano siya pipirma sa partial report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.
Iginiit ng senadora na kulang umano ang isinasagawang imbestigasyon ng komite, lalo na ang mga dapat sana umano’y sumasailalim sa pagtatanong at iniimbestigahan na itinuturo ng mga testigo sa pagdinig.
Ayon kay Marcos, makakakumbinsi lamang aniya sya na pumirma sa nasabing partial report kung magkakaroon ng buong imbestigasyon ang komite sa umano’y katiwalaan sa flood control projects ng gobyerno.
Matatandaan, na muling nanawagan si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa kanyang mga kasamahan sa Senado na pirmahan ang partial report ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyektong flood control, matapos itong makakuha lamang ng apat na lagda.
Binigyang-diin ni Lacson na bukas naman ang ulat sa interpelasyon ng kanyang mga kasamahan. Maari naman aniya silang magtanong at mag amyenda kung kinakailangan
Dagdag ni Lacson, karamihan sa mga rekomendasyon sa ulat, kabilang ang pagsasailalim sa imbestigasyon ng ilang personalidad, ay nauna nang naisakatuparan o kasalukuyan nang tinututukan ng ibang ahensya.
matatandaan naman na naghahanda na ang Office of the Ombudsman na magsampa ng kasong plunder laban kina dating House Speaker Martin Romualdez at Senator Chiz Escudero kaugnay ng isyu.
Mariin namang itinanggi ni Lacson ang paratang na may pinagtatakpan siya sa imbestigasyon. Ayon sa kanya, ginawa lamang niya ang kanyang tungkulin, kahit pa ikinagalit o ikinainis ito ng ilan niyang kasamahan na naisailalim sa rekomendasyon ng preliminary investigation.
Para naman kay senator Imee Marcos, Pilit aniyang tinatabunan ang kontrobersya sa flood control projects scandal kasunod ng pagpaliban nang sanay pagdinig ng komite noong martes, Abril 13.















