Sa bisperas ng pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, nanawagan si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa mga senador na isantabi ang kanilang pagkakaiba at magtulungan bilang isang institusyon, kasabay ang pagkilala kay Alex Eala bilang inspirasyong nagbuklod sa mga Pilipino.
Ayon kay Lacson, ang makasaysayang tagumpay ni Eala ay na sa tamang panahon dahil nagbigay ito ng positibong balita sa gitna ng aniya’y “highly toxic atmosphere” sa bansa. Tinawag pa niya ang tennis star na “detoxifier” at tagapagbuklod ng isang malalim na nahating bansa matapos maging unang Pilipinong umabot sa fourth round ng isang Grand Slam singles tournament at mapatalsik ang dating kampeon na si Iga Swiatek sa Wimbledon.
Kasabay nito, iginiit ni Lacson na ang impeachment trial ay pagkakataon para patunayan ng Senado na kaya nitong gampanan ang tungkulin nang walang bangayan at personalang alitan.
Aniya, dapat manaig ang debate kaysa insultuhan at dapat unahin ng mga senador ang kapakanan ng Senado bilang isang institusyon.
Dagdag pa ng senador ito rin ang panawagan ng mayorya sa minority bloc sa isinagawang caucus noong Biyernes, kung saan dumalo sina Senador Loren Legarda at Senador Robinhood Padilla.
Sa huli, binigyang-diin ni Lacson na may pananagutan ang Senado sa taumbayan na tiyaking ang tinatayang ₱25 milyong ginagastos nito kada araw ay mauuwi sa dekalidad na serbisyo publiko at hindi sa panloob na sigalot.
















