Iginigalang daw ni Vice Pres. Leni Robredo ang posibilidad na hawakan ni Senator-elect Imee Marcos ang Committee on Electoral Reforms ng Senado para sa 18th Congress.
Sa isang panayam sinabi ni Robredo na karapatan ni Marcos na hawakan ang ano mang komite bilang bagong halal na miyembro ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
Kung maaalala, nakabinbin pa rin sa Presidential Electoral Tribunal (PET) ang poll protest ng kapatid ng bagong senador na si Vice Presidential candidate Bongbong Marcos.
Ito’y matapos nitong akusahan si Robredo ng pandaraya noong 2016 elections.
“Karapatan naman niya iyan kasi miyembro siya ng Senado,” ani Robredo.
Nitong Miyerkules nang aminin ni Imee na isa siya sa mga pinagpipiliang humawak ng naturang komite.
Bagamat bukas si Marcos sa posibilidad ay aminado rin itong may agam-agam siya sa paghawak ng Committee on Electoral Reforms dahil sa nakabinbin pang protesta ng kanyang kapatid.
“Sabi nila ibibigay daw sa akin ‘yung electoral reforms, naiilang nga ako dahil ‘yung kapatid ko may protesta pero palagay ko mahalaga para sa ating bansa na tingnan ulit ang halalan at sistema ng Smartmatic,” ani Marcos.










