Jose Maria Sison
-- Advertisements --
Jose Maria Sison

Nakapili na raw ang Department of Justice (DoJ) ng panel of prosecutors na magsasagawa ng pormal na imbestigasyon sa mga criminal complaints na isinampa laban sa Communist Party of the Philippines (CPP) founder na si Jose Maria Sison at mga kasamahan nito.

Maliban naman kay Sison, kabilang pa sa mga respondents ay sina Lean Porquia, Karen Edaniel at Vince Hugo Villena.

Ayon kay Assistant State Prosecutor Honey Rose E. Delgado, tagapagsalita ng Office of the Prosecutor General (OPG) ng DoJ, ang mga reklamo ay inihain ng dating mga miyembro ng CPP-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Kabilang dito sina Kurt Russel Olaes Sosa at Joy James Saguino.

Naghain si Sosa at Saguino ng mga reklamong paglabag sa Section 4(i) ng Republic Act No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at Section 10(a) ng RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act laban kay Sison at tatlong kasamahan nito.

-- Advertisement --

Ayon sa OPG, si Saguino ay na-recruit umano noong Hunyo 2007 sa University of the Philippines-Visayas, Iloilo Campus noong siya ay 16-anyos at estudyante pa lamang.

Si Sosa naman ay 17-year-old journalism student sa Polytechnic University of the Philippines-Sta. Mesa nang ma-recruit ng CPP-NPA-NDF noong May 1, 2015.

Dagdag ng OPG, ang dalawang reklamo ay kahalintulad ng isa pang reklamo na inihain din ng rebel returnee na Lady Desiree Collado Miranda.

Sa kanyang reklamo, respondent din si Sison at suspected NPA members na sina Redsa Balatan, Rey Dela Pena at Joel Caliwliw.

Sinampahan ni Miranda si Dela Pena at Caliwlaw ng dalawang bilang ng reklamong panggagahasa.

Ayon sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na tumulong sa lahat ng mga rebel returnees, na-recruit si Miranda noong 14-anyos pa lamang para sumali sa Anakbayan, isang Communist Terrorist Group (CTG) front organization.