-- Advertisements --
image 197

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Senado sa umano’y katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung walang seryosong tumutugis sa nasabing usapin.

Ito ang binigyang diin ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III matapos tawagan ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng independent investigation sa umano’y mga katiwalian sa transport regulatory body.

Aniya, kung walang seryosong magpupursige sa nasabing kontobersiya, maghahain ang senador ng resolution upang ito ay imbestigahan ng Senado.

Kaugnay niyan, sinabi naman ni Senate public services committee chairperson Grace Poe na dapat ding imbestigahan ang biglaang pagbawi ng unang pahayag ni Jeff Tumbado na isang opisyal ng LTFRB.

Bagama’t sinabi ni Poe na hindi nila kinukunsinti ang mga maling testimonya, isang maayos na audit ang dapat gawin sa LTFRB.

Inaasahan din ng mga mambabatas na mas maraming “legitimate whistleblower” ang lalabas para tumestigo sa mga anomalya sa alinmang ahensya ng gobyerno.

Matatandaan na binawi ni Tumbado ang kanyang mga alegasyon ng katiwalian laban kay Bautista, at chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na si Teofilo Guadiz III.