LEGAZPI CITY – Hindi na ang mga opisyal ng Camarines Sur Provincial Police Office ang mag-iimbestiga sa insidente ng ambush sa sasakyan ni dating Rep. Rolando Andaya, Jr.
Ito ang kinumpirma ng dating mambabatas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi.
Ayon kay Andaya, ang regional command na ng Philippine National Police ang hahawak sa imbestigasyon. Posible raw kasing mabasura ang kaso kung ang pulisya ng lalawigan ang magpapatuloy sa pagsisiyasat.
Ito’y dahil sa magkakaiba umanong salaysay ng mga saksi.
Binigyang diin ni Andaya na mali ang mga lumutang na ulat kaugnay ng insidente, tulad ng pagtakas umano ng riding-in-tandem patungong Naga City.
Ayon sa dating kongresista, siya mismo ang nakakita na papunta sa bayan ng Pili ang direksyon ng mga suspek na tumakas.
Pinabulaanan din ni Andaya na “ambush me” o sinadya lang ng kanyang kampo ang insidente.
Ang regional director ng PNP Bicol na si B/Gen. Jonnel Estomo na ang hahawak ng kaso.
Ngayong araw nakatakdang magbigay ng official statement ang dating kongresista sa Police Regional Office 5 kaugnay sa nasabing insidente. -CJY