-- Advertisements --

Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na isusumite na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Biyernes ang resulta ng imbestigasyon laban sa anim na ospital na tumangging i-admit o tanggapin ang isang senior citizen na kalaunan ay namatay.

Una rito inatasan ng DoJ ang NBI na imbestigahan ang reklamo ng pamilya ng 65 years old na si Ladislao Cabling na taga Cabanatuan sa Nueva Ecija na pinagpasa-pasahan at tinanggihan sila ng anim na ospital hanggang sa namatay ang biktima na
hindi naman daw sumailalim sa Coronavirus disease 2109 (COVID-19) test pero mayroong asthma.

Sinabi ni Guevarra na kapag natanggap na niya ang investigation result ay pag-aaralan naman ito ng National Prosecution Service (NPS) para sa kaukulang aksiyon o ligal na hakbang.

Maalalang sa press conference ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo ng gabi ay binalaan nito ang mga ospital na tumatangging tumanggap ng mga pasyente na pananagutin niya ang mga ito sa pamamagitan ng imbestigasyon ng DoJ.