-- Advertisements --

Tatagal pa ng anim hanggang sa isang taon bago ilabas ng investigating body ang resulta ng imbestigasyon sa nangyaring pagsadsad ng Korean airline sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) mahigit isang buwan na ang nakalipas.

Inihayag ni MCIA General Manager Atty. Julius Neri na nakuha na ang lahat ng blackbox at pinangasiwaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang imbestigasyon kaugnay nito.

Samantala, ibinunyag pa ni Neri na tinatayang gagastos ng mahigit P100 million ang Korean Air para ayusin ang pinsala sa paliparan kung saan pinakamalaking gastusin ang pagpapaganda at pagpapalit ng Approach Lighting System na tinatayang aabot sa mahigit P70 milyon at higit P20 million naman ang tinatayang halaga sa paglipat sa ligtas na lugar ng eroplanong sumadsad kabilang ang paggawa ng kalsada.

Nagsagawa rin umano sila ng mga safety checks upang magamit ang buong kahabaan ng runway at para matiyak na magiging ligtas ang lahat.

Maliban pa, hindi pa umano nila maibigay kung magkano ang nalugi dahil sa insidente dahil kino-collate pa nila ang eksaktong numero.

Wala naman itinakdang deadline kung kailan maayos ang lahat dahil nagdedepende din umano sila sa mga supplier.