-- Advertisements --

Hindi na kailangan pa na mangibang bansa ang mga kababayan nating mga Filipino sa sandaling maamyendahan na ang restrictive economic provisions ng 1987 Constitution dahil magiging bukas na ang ekonomiya ng bansa.

Ito ang binigyang-diin ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin.

Ipinunto ng Lady solon na mas marami at lalawak pa ang oportunidad na magbubukas sa bansa.

Sa isinagawang sesyon ng Kamara sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 ng Committee of the Whole nuong Miyerkules, tinanong ni Garin ang isa sa mga resource persons na si CoRRECT Movement Principal Co-founder Orion Perez Dumdum, kung ang economic charter change ay tutugon sa isyung limitado na job opportunities sa mga Filipino sa bansa.

Tugon naman ni Dumdum na ito na ang sagot sa kakulangan ng trabaho sa bansa ang economic charter change.

Sinabi ni Dumdum na karamihan sa mga Pilipino nais magtrabaho sa Singapore, Europe, at America.

Inihayag ni Garin na karamihan sa mga Filipino ay inaakit ng mga overseas companies dahil sa kakulangan ng de kalidad na trabaho dito sa Pilipinas kahit mawalay pa sila sa kanilang mga pamilya.

Dagdag pa ni Garin,napipilitan ang ating mga kababayan na mangibang bansa upang sila ay guminhawa.

Si Garin na isang dokto at dating health secretary sinabing karamihan sa mga medical professionals ay piniling magtrabaho abroad dahil sa kulang ang oportunidad dito sa Pilipinas partikular sa medical industry.

Sa sandaling buksan na ang ekonomiya ng bansa at marami ng banyaga ang mamumuhunan tiyak na tataas ang sahod ng mga Pilipinong manggagawa at aangat ang antas ng pamumuhay.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 1.96 million Filipinos ang nagtatrabaho ngayon sa abroad.