ILOILO CITY – Mananatiling sarado ang Iloilo International Airport kahit na isinailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang lungsod at lalawigan ng Iloilo.
Ayon kay Arthur Parreño, terminal supervisor sa Iloilo International Airport, napag-usapan ng security committee ng paliparan, airline companies, Department of Health, at Bureau of Quarantine na ikansela muna ang operasyon habang naghahanda pa sa “new normal” na sitwasyon at sa muling pagbalik ng operasyon.
Sa ngayon, may inilagay na social distancing markers, disinfection at decontamination areas, hand washing areas, at foot baths sa airport terminals at parking areas ng nasabing paliparan.
Ani Parreño, may adjustment din sa assignment ng staff upang maihanda rin ang mga empleyado sa mga inaasahang pagbabago sa operasyon.
Matandaang mula nang isinailalim sa enhanced community quarantine ang lalawigan ng Iloilo noong Marso 20, tanging outgoing sweeper flights at mga nagdadala lamang ng essential cargoes at medical needs ang pinahintulutan ng paliparan.
Inaasahan naman ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na balik normal na ang operasyon ng nasabing paliparan sa Hunyo 20 taong kasalukyan.