Nagbabala ang National Tobacco Administration (NTA) na nanganganib ang kabuhayan ng mahigit 2.2 milyong tobacco farmers, manggagawa, at kanilang mga pamilya dahil sa patuloy na paglaganap ng ilegal na kalakalan ng sigarilyo sa bansa.
Ayon sa NTA, hindi lamang kita ng gobyerno ang naaapektuhan ng mga smuggled at hindi nabubuwisang sigarilyo, kundi pati na rin ang mga komunidad na umaasa sa industriya ng tabako para sa kanilang hanapbuhay.
Sa ginanap na Third International Tobacco Summit 2026, sinabi ng mga opisyal na tinatayang 40 billion hanggang P52 billion kada taon ang nawawalang kita ng pamahalaan dahil sa ilegal na sigarilyo. Dagdag nila, ang pondong ito sana ay maaaring magamit para sa mga serbisyong pampubliko, imprastraktura, at iba pang serbisyo publiko.
Nanawagan din ang mga kalahok sa summit ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno gaya ng Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Philippine National Police, Department of Justice, at mga lokal na pamahalaan upang masugpo ang smuggling at iba pang ilegal na gawain.
Binigyang-diin din ng mga eksperto ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa ibang bansa sa Southeast Asia, dahil bilyun-bilyong dolyar ang nawawalang kita sa rehiyon bawat taon dahil sa ilegal na kalakalan ng tabako.
Samantala, pinag-aaralan din ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya upang masubaybayan ang galaw ng mga produktong tabako at mapigilan ang pagpasok ng mga ilegal na sigarilyo sa merkado.












